Sanaysay May Saysay

Sa Kweba

Hindi lahat ng kweba ay madilim. Sa isang tabi ay matatagpuan ang isang kweba na lumilitaw lamang tuwing may liwanag. Sinliwanag ng kalangitan ang paligid nito.  Kapansin-pansin ang pamumukadkad ng mga bulaklak na binibigyang liwanag ng hari sa itaas upang umusbong pa. Ang lupa rito ay sinlambot ng mamon at binubuo ng mga bermudang tindig sundalo. Ito ay may mga halamang malalago na sumasabay sa indak ng hangin. Ang punong matatayog ang siyang nagsisilbing silong ng mga kuwento sa apat na sulok nito. Malamig ang bawat pagdampi ng simoy ng hangin. Ang nakabibinging katahimikan ang nagsilbing himig.

Nangibabaw ang pagbuntong hininga at tinatagong paghikbi na nagmula sa hilagang bahagi. Maaaninag ang isang bagaheng nababalot ng kadiliman sa lilim ng mga matatayog na puno. Ang mga gulong ay pudpod na mula sa tinahak na pagdurusa. Lapnos na ang hawakan nito sa kakakapit sa mga alaalang nagpupumiglas na. Kapansin pansin ang mga lamat ng kahapong hindi na maibabalik pa. Ang bagaheng ito ay iniwan na nabalot sa poot ng putik at nalulunod sa sariling luha. Higit sa sampung sakong bigas ang bigat ng bitbit. Hindi na mapakikinabangan pa.

Sa kanlurang bahagi ay may isa pang bagahe. Buong buo ito at walang bakas ng pait ng kahapon Sa pagtama ng sinag ng araw ay lumilitaw ang natural na kulay na taglay nito. Napalakas ang pag-indak ng hangin at naitulak ang dalawang bagahe sa isang sulok ng kweba, sa may silangan. Nagkatagpo ang kanilang mga mundo. Ang dilim na bumalot sa bagaheng mula hilaga ay napalitan ng nakasisilaw na liwanag. Unti-unting tinulungan ng bagaheng mula sa kanluran na tanggalin ang putik at lumot sa kumunoy ng kahapon ng kapuwa bagaheng mula hilaga. Ang mga ngiti’y nangangarap na maabot ang magkabilang tainga. Mga bahaghari’y nagsibaliktaran sa nangyari.

Sa maikling panahon, ang pagsasamang nabalot ng apoy ngayo’y usok na unti-unting naglalaho. Kung kalian naging kulay rosas ang mga mata ng bagaheng mula sa kanluran, at saka naman biglang pinulot ng isa ang mga lumot at putik na noo’y bumalot sa kaniya. Dahan dahan itong gumulong pabalik sa dilim na kaniyag pinagmulan. Pilit na ginugulungan muli ang mga pagdurusang ginulugan noon. Sa magkatalikod na posisyon ay nangangahulugang pagtiklop ng kanilang mundo. Ang hangi’y napatigil sa pag-indak. Nakabibinging katahimikan ang sinambit at tanging mga rumaragasang luha ang iniwang saksi. Isang delubyo ang gumimbal sa bageheng mula sa kanluran. Hindi mabilang na gasgas ang natamo at ito’y nagsilbing sukli ng mga kulay rosas niyang mga mata noon. Humiling na sana’y dumating ang panahon na ang mga gasgas na dulot ng maskalap na kahapon ay unti-unting maghilom at maging mga pilat na lamang. Mga pilat na magpapaala na sa kabila ng lahat, naging matatag at gumugulong pa rin.

Hinahanap ang kasagutan sa delubyong dinanas. Nilibot ang buong kweba, inipon ang mga pagkakataon at pinagdugtong dugtong na parang mga telang hinahabi. Umaasa na lamang sa kakarampot na liwanag na dulot ng pag-asang gugulong pabalik pa. May kakarampot na liwanag pa, kapit pa. Hindi lahat ng kweba ay madilim.

Ikaw, sa’n ka nagmula?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s