Sanaysay May Saysay

Para Sa’yo Na Nasaktan

Para sa’yo na nasaktan, huwag kang mawalan ng paga-asa. Para sa’yo na nasaktan, umindak ka sa tibok ng puso mo. Para sa’yo na nasaktan, huwag kang susuko sa laban na ito. Para sa’yo na nasaktan, huwag mong ipaubaya sa hangin. Para sa’yo na nasaktan, kumapit ka sa natitirang sana. Para sa’yo na nasaktan, tanggapin mo na ito’y nagkataon lamang at hindi tadhana. Para sa’yo nasasktan, huwag mag-alala’t may sasagip sa’yo.

Aminin man o hindi, nasaktan ka. Mapa-maliit na bagay man ‘yan o malaki, nasaktan ka pa rin. Sige, magpanggap ka na hindi ka nasaktan. Lokohin mo ang lahat sa iyong matatamis na ngitit’t tawa. Paniwalain mo sila na ika’y maligaya’t walang pinagdadaanan. Mga ngiti mong abot tenga, kalauna’y mangangawit din. Makakaramdam ng pagod at paniniwalain ang sarili na kaya pa, kaya pang ngumiti. Utang na loob, huwag mong pilitin na magsulat ng masasayang bagay kung hindi ‘yan ang tunay mong nararamdaman. Tama na, tama na ang pagpapanggap. Huwag mong lokohin ang sarili’t lalo ka lang masasaktan.

Balikan mo, balikan mo ang sakit na ‘yon kahit ngayon lang. Balikan mo kahit hindi ka sigurado kung gaano kasakit, kung magiging masakit pa o magiging masakit muli, basta balikan mo. Magtiwala ka, kaya mong balikan. Ipunin mo ang lahat ng sakit na ‘yan. Huwag mong takbuhan sapagkat mapapagod ka lamang. Yakapin mo ang sakit na matagal ng namahay sa puso mo. Iiyak mo lang yan, iiyak mo hanggang sa kaya mo. Ngunit ‘wag ka lang basta umiyak, magsulat ka. Kumuha ka ng bolpen at papel. Isulat mo ang lahat lahat ng hinanakit mo. Kahit hindi mo makita ‘yang sinusulat mo, okay lang. Magsulat ka lang, ipagpatuloy mo’t matatapos mo rin ‘yan. Puno na ng luha ang papel mo? Okay lang, matutuyo rin yan. ‘Wag mong isipin ang mga tuntunin sa pagsusulat. Namuhay ka na laging sumusunod sa patakaran, awat na. Dito, malayang malaya ka. Malaya kang ipahayag ang sarili mo. Malaya kang ibunyag ang bulong ng damdamin mo. Huwag mong pilitin na pagandahin ang sinusulat mo, kusang gaganda ‘yan. Huwag mong pilitin na maging makata kung hindi ikaw ‘yon. Kung ano lang ang nararamdaman mo at kung sino ka, ‘yun lang ay sapat na. ‘Wag pilitin ang mga bagay bagay bagama’t ika’y mabibigo lamang. Tumingin ka sa iyong paligid, humugot ka hanggang sa kaya mo. Habang nandiyan pa ang sakit, namnamin mo ang bawat kirot sa puso at magsulat ka. Alam mo kung bakit? Dahil hindi ka na ulit makakapagsulat sa paraan na ganiyan. Sabi nila, ang pinakamagandang kuwento raw ay isinulat ng taong nasaktan. Kaya habang buhay pa ang sakit, isulat mo na. Hindi na mauulit ‘yang sakit na ‘yan. Palayain mo ang nasa loob puso mo. Kailangan niyang makalaya na parang mga ibon sa langit. Palayain mo, huwag mong ikulong. Napalaya mo na? Hayaan mo lang at kusang lilipad ‘yan palayo sa’yo. Sa sakit na ‘yan, makakagawa ka nang isang obra. Isang obra na balang araw ay mamahalin mo dahil sa kagandahang taglay nito.

Sa tamanag panahon, maiisipan mong balikan ang obra na iniyakan mo. Pagmamasadam mo ang bakas ng mga luha mo sa iyong papel. Maiiyak ka pa rin naman. Ngunit ngayon ay maiiyak ka na sa tuwa. Mapapangiti bigla ang puso mo. Matatauhan na nalagpasan mo na ang lahat ng ‘yon at nakaya mo. Masarap balikan lalo na’t pag wala nang poot sa puso. Papasalamatan mo ang nasa likod ng sakit na pinagdaan mo. Dahil sa kaniya, mas naging matapang ka. Dahil sa kaniya, mas lumawak ang pananaw mo sa buhay. Dahil sa kaniya, mas natutunan mong mahalin ang sarili mo. Dahil sa kaniya, nakilala mo ang bago mong sarili. Higit sa lahat, dahil sa kaniya ay nakapagsulat ka nang napakagandang obra. Ako na ang nagsasabi sa’yo, totoo ang kasabihan sa Ingles, “You can turn something painful into something beautiful.”

Para sa’yo na nasaktan, may sumagip na sa’yo, ang obra mo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s